About
Unscripted Life:
bakit nga ba Unscripted life?
Pinaiksing version:
…………………………………………………………………
Ito ay listahan ng mga (utang) ideyang nilalabas ng aking isip mula sa mga nasasalubong na pangyayari sa araw araw na buhay ko. Sa madaling salita, kahit ano lang na tungkol sa mga nakikita ko.
Dating nakatira sa venjo.net (2005 – 2007 na-expire na), lumipat sa ivenjo.com (2007 – 2011 na-expire na rin) at ngayon nakisilong na lang sa palapag.com hanggang sa makabili ulit ng bagong domain.
…………………………………………………………………
Mahabang version:
Dati kasi simula nong grade one hanggang nakatapos ng kolehiyo ay may sinusunod akong schedules o parang nakalagay na sa isang paulit-ulit na script ang araw ko, magising ng maaga, toothbrush, ligo, kain, school, recess, good morning maam/sir, goodbye maam ulit pag uwian na. Pagkagradweyt sa kolehiyo ay swerteng nakahanap agad ng pinakaunang trabaho at naulit lang yong ginagawa ko sa school, pinagkaiba lang ay minsan ginagawa kong araw yong gabi kasi yan ang schedule sa trabaho na kailangang sundin. Scripted masyado.

Gotcha!
Pagkalipas ng halos kalahating dekada ay nagpasya akong magpalit ng direksyon, yon ang magsolo sa buhay, walang amo, walang schedule na sinusunod. Isang pagkakamali, pagkakamali nga ba? Sa isip ng (mommy at daddy) ko, nanay at tatay pala, sayang daw kasi nga iniwan ko yong trabaho ko. Para naman sa akin, di ako masaya sa ginagawa ko, isa nga ako sa magaling (kuno) gumawa ng electronics circuit board ay parang di ko pa rin makitang may nagagawa ako para sa sarili ko, alam nyo na siguro ang ibig kong sabihin. Mula April 2006 hanggang 2011, unscripted ang buhay ko, yon kasi ang naisip kong title bago ako mag-resign sa trabaho. Pag nakapag-aral ulit ako ngayong 2012, baka mapalitan na ang pangalan ng blog na ‘to, di ko pa alam ang ipapalit, pero hangga’t solo pa ako ay mananatili ang titulong Unscripted Life ng blog ko. ![]()
Karera sa potograpiya.
Dito ako nagsimula sa camera ng kaibigan ko, nagsimulang maadik sa photography. Nagsimula ring mangarap na magkaroon ng magandang camera, tulad din siguro ng ibang photographer nong nagsisimula pa lang, naging masipag sa paghahanap ng review ng mga camera. Tanong dito, tanong doon at hayon nakapagpasya din. Naging tambay rin ako sa Hidalgo, don kasi ang maraming camera at mga mga nakikilalang kaibigang litratista mula baguhan hanggang sa mga beterano.
My First Camera is Canon
Nasa hall of trash na ngayon tong Canon ko, ayaw nang gumana at walang nagawa ang mga service center kundi i-suggest na bumili na lang daw ako ng bago kasi wala daw pamalit sa nasirang servo motor ng lens. ![]()
Balik ulit ako sa revieww, sa DSLR level na at lumipat ako ng Nikon, mura noon ang D40 , 2007 Dec, at yon ang naabot ng pera ko. Unang DSLR, sarap ng pakiramdam non syempre dati nakikita ko lang nakadisplay sa mall at sa pagkakataon yon nasa mga kamay ko na. Naging kasakasama sa mga gala ko simula 2008 hanggang ngayon.

My Friends, Ignacio & Gay
Nadagdag sa gamit ko ay D80 nong 2010 at mumurahing 55mm micro (macro) lens at 70-300G, manual sya sa D40 pero automatic naman sa D80 kaya para mamahalin na rin ang kuha nong lens pag nakakabit sa D80. Syempre iba pa din ang mamahaling lens, malinaw at mabilis mag-focus. Pero kung simpleng documentation lang naman ang gagawin tulad ng kasalan, party, o mga okasyong ginagawa sa araw ay walang problema, (kung sa gabi naman ay magdagdag ka lang ng flash wala kang nang problema kundi ang maghanap ng maayos na angle para magshoot), masasabi kong pwedeng pwede na ang mga gamit ko.
Personal ko naman

17th century documents about Palapag
Simula 2004 hanggang 2009 ay naadik sa paghahanap ng mga libro simula ng mga sinaunang historian na Kastila at nanirahan pansamantala sa Samar noong 17th century. Karamihan sa kanila ay Prayleng pari, tumira sa bayan namin sa Palapag at may mga naisulat silang impormasyon tungkol sa lumang paniniwala at kultura ng mga ninuno namin sa Palapag. Nasubukan ko pa ngang mag-attend ng isang malaking symposium ng mga Historian ng Pilipinas para lang malaman kung pano mag-isip ang mga historian. Parang mga kapitbahay ko lang din naman pala. Madami na rin akong naipong impormasyon mula sa mga panayam ng ginawa ko nong 2008 don sa mga matatandang tao sa bayan namin, apat sa mga nakapanayam ko ay maraming alam kaso nga lang kinuha na sila ni Lord agad pagkatapos kong maisulat yong mga sinabi nilang kwento. Binalikan ko kasi sila nong nakaraang taon, wala na raw. Sayang nga kasi may mga bagong tanong sana ako. (gagawan ko na lang ng post pag di ako tinamad, medyo mahaba kasi) Kung tutuusin ay pwede nang i-compile para mapakinabangan ng mga estudyante at mga kababayan ko na gustong malaman ang pinagmulan o ang pinakasimula ng sibilisasyon sa lugar namin. Siguro magiging reyalidad ang pinapangarap kong kalalabasan ng research kapag magkaroon ako ng kaibigan na magaling mag-english. ![]()
*********************************
Kung naghahanap ka ng award na nakuha ko o ano pa mang recognition, sensya na po at wala, simpleng talaan lang kasi ng mga gusto kong i-share na bagay ang blog na ‘to. Ni minsan di ko naisipan yon, siguro sumagi lang sa isip ko pero di ko pinilit makisali sa mga pakontest. Madalang ang update, minsan nga dalawang beses lang sa isang taon, sigurado bagsak na agad ako sa part na yon. Mahirap din kasi ang mag-update sa probinsya at sobrang bagal ng internet don mismo sa bayan namin, smartbro minsan celfone pa ang ginagawa kong modem kaya nakakatamad mag-antay bago mai-load ang isang page ng website.
*********************************
iba pang kaalaman tungkol sa akin:
- Adik sa kape
- may pagkabulag sa kulay (colorblind)
- paboritong pumapak ng gulaman
- litratista, pintor, lakwatsero
- nagawa ko rin palang magtrabaho na parang katulad ng sa Pari, mula binyag, kasal hanggang libing ng namatay, litrato pa rin syempre.
- pindutin mo to kung may itatanong kang di ko pa nasasabi.
- At yayain mo akong gumala sa Northern Samar sasamahan kita, lalo na sa lugar namin, libre na ang tulugan, may mauupahan don na medyo classy pero kung nasa budget travel ka ay pwede na rin sa bahay namin.
- Tingin ka muna dito baka may magustuhan ka at maisipan mong puntahan
Salamat sa pagdaan at pagbabasa sa mga estoryang nagawa ko.

